Monday, February 8, 2010

Liyab

Nagkukuwentuhan kami ng isa kong kaibigan about sa mga "biatch moments" namin. Naalala ko yung ginawa ko noong college pa ako at naisipan kong isulat. =)


Bagong "labas" lang ako sa aparador. Second year college ako sa isang school sa may Intramuros. Mayroon akong isang matalik na kaibigan. Itago natin siya sa pangalang "Nene". Sobrang hinhin nitong kaibigan kong ito. Laging lampas-tuhod ang mga suot nitong palda. Tuwing Biyernes kung kailan pwede kaming mag-sibilyan, mahahalatang hindi siya masyadong marunong sa "fashion". Madalas tuloy siyang tuksuhin na "probinsiyana". Kapag nga nagkukulitan kami, tinatawag ko siyang "Manang Nene". Sa school, ako lagi ang tagapagtanggol niya. Lalo na noong nakapag-out na ako, para akong palengkera kapag may nangtritrip sa kanya. Palagi kami nitong magkasama. Kahit na may pagka-"manang" ito, galing siya sa may-kayang pamilya. Hindi ko nga malaman kung bakit ganito siya manamit. Nagkaroon ako ng pagkakataon na makilala ang mga magulang niya at naintindihan ko kung bakit sobrang hinhin nito. Sobrang istrikto ang mga magulang nito, lalo na ang kanyang lola. Akala ata ng lola niya eh nasa "Spanish Era" pa rin tayo. Anyway, "maka-luma" kasi sila sa kanila kaya siguro hanggang sa school eh nadala na ito ni Nene.

Katatapos lang ng school year, bakasyon na noon ng mag-text sa akin si Nene. Gusto niyang samahan ko siya sa Greenbelt. Napa-aga raw kasi siya ng punta doon para i-meet ang kanyang boyfriend. Yes, nagka-boyfriend siya bago matapos ang school year. Sobrang ganda naman kasi Nene eh kahit na may pagka-"manang" kung manamit at umasta. Since bored ako noon, pumayag ako. We decided to meet up sa isang coffee shop doon.

Pagdating doon, as usual, hindi na ako nagulat sa suot ni Nene. Isang maong na palda na hanggang tuhod, plain white blouse and plain black slippers. Dahil sa suot niya, nagmukha tuloy imitation ang dala niyang LV bag. Alam ko namang original ito dahil napakita na niya sa akin ang mga collections niya na bag. Siyempre, beso-beso kami pagkakita at pagkatapos noon eh puro sermon na ang lumabas sa bibig ko. Lagi ko kasi siyang sinasabihan na mag-ayos dahil nasasayang ang ganda niya. Natatawa na lang siya sa akin.

Inubos lang namin ang kape namin at napagdesisyunan na naming pumasok sa isang restaurant doon para hintayin ang kanyang boyfriend. Nakahanap kami ng magandang puwesto. Habang busy ako sa pagtingin sa menu, bigla akong kinalabit ni Nene. Pagtingin ko sa kanya, medyo nanginginig siya at nakatitig sa dalawang babae na pa-upo pa lang sa table na halos tatlo o apat na table lang ang layo sa amin. Parehong maganda ang dalawang babae. Mga tipikal na modernang babae. Nasa uso ang mga damit at ayos. Ang ikinagulat ko eh naka-tingin din sa amin yung isang babae. Isang matalim na tingin ang ipinupukol niya kay Nene. Nagtaka ako.

Habang may nginig pa rin ang kamay ni Nene, tinanong ko siya kung kilala niya yung dalawang babae. Hindi siya agad nakasagot. Kung hindi ko pa siya kinalabit, hindi niya malalaman na may tinatanong pala ako sa kanya. Sinabi niya na ang babae raw na iyon ay ang dating girlfriend ng boyfriend niya ngayon na hindi pa rin maka-move on sa break-up nila at hindi matanggap na siya ang ipinalit sa kanya. Tinanong ko kung bakit siya nandito, hindi rin daw niya alam kung bakit. Doon nagsimulang mangilid ang luha ni Nene. Naglabas siya ng nararamdaman sa akin. Madalas raw siyang guluhin ng babaeng ito. Madalas siyang itext na iwanan na raw ang lalaki dahil hindi naman daw sila bagay. Lagi pa raw siyang sinasabihan na pumasok na lang siya sa kumbento tutal naman daw eh ganun naman ang hitsura niya. Siyempre hindi ko alam ang gagawin ko dahil nagsimula siyang umiyak. Baka kung anong isipin ng mga ibang tao sa restaurant. Tinabihan ko na lang siya at pinatahan. Lalo pa siyang humagulgol ng magsimulang magtawanan ang dalawang babae sabay tingin sa table namin. Siyempre, ang iniisip ni Nene eh siya ang pinagtatawanan.

Tumawag ako ng waiter para humingi ng water para mapakalma siya. Pero dahil matagal ang service, nagpasya akong pumunta na sa bar para ako na ang kumuha ng tubig. Tumayo ako at pumunta sa bar at kumuha ng tubig. Pabalik na ako sa table namin nang laking-gulat ko tumayo bigla yung ex-girlfriend ng boyfriend ni Nene. Lumapit ito sa table namin at ibinuhos ang tubig na dala nito sabay tawa. Dahil sa ginawa ng babae, napunta ang atensiyon ng lahat sa table namin. Dahil sa napahiya at nataranta si Nene, patakbo itong lumabas ng restaurant. Dali-dali ko siyang sinundan. Pinatahan ko siya. Sinabi ko sa kanya na hindi pupuwede ang ginawa noong babae sa kanya. Nakita ko rin ang galit sa mga mata ni Nene. Niyaya ko siya sa loob ng mall. Sinabi ko sa kanya na tutulungan ko siya.

Pagpasok sa loob ng mall, pumunta kami sa isang boutique. Pinilian ko siya ng damit. Isang dress ang napili ko sa kanya. Knee-high ang damit. Nag-away pa kami bago ko siya makumbinsing isukat ito. Sleeveless ito at medyo malalim ang neckline. Dahil may hinaharap naman si Nene, bumagay sa kanya ito. Lalo na ang kulay ng damit na bloody red. Napapayag ko siyang bilhin na ito. Pagkatapos ay pumunta kami sa isang shoe store. Pumili ako ng sapatos nababagay sa dress na binili namin. Siyempre nag-talo kami ulit sa taas ng heels ng napili ko. May katangkaran na si Nene pero binilhan ko pa rin siya ng sapatos na tatlong pulgada ang heels. Siyempre, napilit ko rin siyang bilhin ito. Buti na lang at bagay ang necklace at earrings na suot niya noon sa binili namin damit. Last stop, pumunta kami sa isang kilalang make-up store. Kinapalan ko na ang mukha ko noon at sinabi sa saleslady na ayusan si Nene. Sinabi ko sa kanya kung anong gusto kong mangyari. Ayun, inayusan si Nene. Pagkatapos nito ay binili ni Nene lahat ng mga ginamit sa kanya nung saleslady (oh di ba, bongga?). Pagkatapos niyang maayusan, sinamahan ko siya sa papunta sa restroom para makapagpalit ng damit. Paglabas ni Nene sa restroom, ibang-iba ang itsura niya. Malayung-malayo sa Neneng lagi kong kasama. Mas lumitaw ang kagandahan nito. Para nga akong na-tibo sa kanya. Halos lahat ng masalubong naming lalaki eh lumilingon at napapatitig sa kanya. Medyo nahihiya nga siya eh. Pero sinabihan ko siya na kailangan niyang maging confident sa hitsura niya para mas okay. Sumunod naman si Nene. Taas-noo siya kung maglakad habang hawak ang aking kamay. Siyempre, dahil maganda nga si Nene at magkahawak ang aming mga kamay, feeling ko ang guwapu-guwapo ko at kinaiinggitan ako ng mga kalalakihan, hindi lang nila alam na hindi kami talo ni Nene. =)

Anyway, niyaya ko siyang bumalik uli doon sa restaurant. Noong una ay ayaw niya pero sinabi ko na kailangan at baka sakaling nandoon pa yung dalawang babae. Mahigit dalawang oras din kasi kami sa "make-over" niya. Pero pinapanalangin ko na nandun pa yung babae. Pumayag si Nene. Bumalik kami sa restaurant. Malapit pa lang kami sa restaurant nang makita kong nandoon pa rin yung dalawang babae. Nagtatawanan pa rin. Sinabihan ko si Nene na sumunod lang sa akin at magtiwala sa akin. Tumango naman ito.

Ako ang nagbukas ng pinto ng restaurant. Sadya kong pahagis na isinara ang pinto para makuha ang atensiyon ng lahat. May ilang mga kumakain ang nandoon pa rin na nakakita ng ginawa ng babae kay Nene. May iba pa ngang nagbulungan na nagsabing "Hindi ba siya yung babaeng tinapunan ng tubig kanina?" (nagbulungan nga pero ang lakas naman ng pagkakasabi. ;p) Kitang-kita kong gulat na gulat ang dalawang babaeng "nang-api" kay Nene. Umupo kami sa dati naming puwesto.

Sinabihan ko si Nene na umorder ng isang bote ng wine. Nagtataka man pero umorder ito. Nakita ko sa mga mata niya ang kaba sa maaari kong gawin. Pagdating ng wine, kinuha ko ito at tumayo. Pinigilan ako ni Nene, pero hindi ko siya pinakinggan. Hawak ko ang bote ng wine at itinago sa likod ko. Lumapit ako sa table ng dalawang babae. Tumigil ako sa harap ng babaeng nagtapon ng tubig kay Nene. Tumingin lang ito sa akin at nagtaas ng kilay sabay sabing "Can I help you?"

Tinitigan ko lang siya. Inulit niya ang kanyang tanong, "Can I help you?" sabay tiklop ng kanyang mga kamay. Ako naman ang nagtaas ng kilay. Kinuha ko ang kutsara sa harapan niya at inihulog sabay sabing, "Oh, you dropped your spoon." Yumuko ang babae para pulutin ito. Pagkapulot niya ng kutsara, ibinuhos ko sa kanya ang wine na itinatago ko sa likod ko sabay sigaw, "Oooopppsss... Sorry, natapon!" Sadya akong sumigaw para uli makuha ang atensiyon ng lahat. Nagulat siya maging ang kasama niya. Sa sobrang gulat niya, hindi siya nakagalaw. Nakalahati ko ang wine na ibinuhos ko sa kanya. Nang akmang tatayo na siya at sasampalin ako, dali-dali kong kinuha ang lighter sa bulsa ko at sinindihan sabay sabing, "Gusto mong magliyab?" Napa-urong lang siya at walang magawa. Napa-iyak na lang siya at siya naman ang nag-walkout. Ang kasama naman niya ang binalingan ko, sinabihan ko siya na kapag hindi pa nila tinigilan si Nene eh hindi lang iyon ang aabutin nila. Walang nagawa ito kundi sundan ang basa niyang kaibigan.

Pagbalik ko sa table namin eh gulat ang mukha ni Nene. Hindi niya akalain na magagawa ko iyon. Tinawanan ko lang siya. Ilang minuto lang ang nakalipas eh dumating na ang kanyang boyfriend. Nagulat ito sa hitsura ni Nene. Wala itong nasabi kundi halikan na lang si Nene ng matagal. Siyempre nahiya naman ako, nagpaalam na ako sa kanila. Wala pa ring alam ang boyfriend sa mga nangyari...


Hanggang ngayon, kapag nagpupunta ako sa Greenbelt, lagi kong naaalala ang eksenang ginawa ko. Nangingiti na lang ako.
====>>>
Till then... Angel will spread the pinks wings and fly with poise...